Lathalain

Kasiyahan sa Haiyan

Ni Shierrah Mae Rosales

Walong taon na ang nakakaraan, bakat parin ang galos na iniwan ng bagyong kumitil ng libo-libong residente at muntikang bumura ng rehiyon ng Eastern Visayas sa mapa ng Pilipinas, isang malaki at matagalang pagbangon ang kinailangan upang muling itayo ang bandera nito, ngunit sa kasalukuyan isang magandang pagpapatuloy ang namayani at nabuo mula nang maranasan ang pait ng kahapon.

Masasabing isang malaking pagwasak ang ibinaon ng Yolanda (international name: Haiyan) na nagpighati sa halos lahat ng taong nasalanta nito, ngunit isang malaking pag-asa din naman ang binuo nito sa mga tao. Kasabay ng naranasang hagupit, naisilang ang isang hotel at resort na ipinangalan sa internasyonal na pangalan ng bagyo at nagsilbing paalala sa kung gaano na katagal ang panalanta ng Yolanda.

Matapos ang mga taon, masasabing biyaya ang hatid ng masalimuot na kahapon nito, dahil isang bagong pag-asa ang nanalaytay sa bayan ng Tanauan, kung saan isang muhon ang sumibol na ngayo’y nagpapakilala sa bayang kaniyang ginagalawan at naging patunay na sa lahat ng pagbagsak ay may maitatayong muling pagbangon.

Nakakalungkot mang ulitin ang mga bakas ng kahapong iniwan ng delubyong ito, isang magandang memorya naman ang patuloy na pinagpapatuloy upang maging alternatibo sa lahat ng pait na nabaon. Sa pagpapatuloy ng pagiging tanyag ng Haiyan Hotel and Resort, kalakip nito ang mga ngiting babaon sa mga kliyenteng bumisita at tumanaw ng hagupit ng kagandahan at kasiyahang taglay nito.

“Bagyong kumitil sa libo-libong mga tao”, iyan parati ang pumapasok sa isipan ng mga tao kapag kanilang naririnig ang salitang Haiyan, ngunit isa itong kamalian sapagkat hindi lahat na patungkol sa Haiyan ay nagbabaon ng mapait na karanasan, bagkus may isang sumibol na muhon na siyang nagbabaon ng magandang alaala upang ipamalit sa naging mapait na karanasan. Mabubura ang pighating naranasan sa panahong iyon, kung atin lamang bibigyan ng pagkakataong magsaya at maaliw  sa Haiyan ng Tanauan.